Saucy
Masaya ang lunch time sa PGH.
Libre sa lahat ng emplyado as long as may meal card ka at medyo ibaba mo lang
ng kaunti ang standards mo when it comes to food. Usually kumakain kami
sa mess hall. Matagal na akong nagwo-wonder kung bakit mess hall ang
tawag sa dining area. Dahil ba messy? Anyway.
Like what I’ve mentioned, bago ka
maka-avail ng free lunch, kailangan mo munang kumuha ng meal card na ini-issue
every month at pinipirmahan ng DTI representative everytime kakain ka sa mess
hall. Well not really DTI
representtaive, nage-exxag lang ako.
‘Yung meal card ay parang bingo card
pero wallet-size, naka print sa cartolina na iba’t-ibang kulay depende sa buwan,
siguro nagiging pink s’ya pag Balentayms o golden yellow pag Pasko.
May 31 empty squares na nakalaan para sa signature ni Jang Geum, ang head
mistress ng Hogwarts Cooking School of Witchraft and Wizardry. Bakit Jang
Geum? ‘Nung time kasi na ‘yun, sikat na
sikat ang Korean drama na Jewel in the Palace, kaya ang mga malolokong
empleyado ng PGH ay bininyagan ang director ng Dietary Department as Jang Geum,
the titular name of the popular period soap opera about a master chef in a
Korean royalty. Di nga ako sure kung
head mistress nga s’ya basta walang uubra sa kanya pag s’ya ang nagse-serve ng
ulam o nagmamarka ng meal card. Bawal ang dagdag, bawal ang proxy, bawal
ang extra rice. Pag s’ya ang nasa main station, ang Dietary department ay
under Martial Law. At kapag napuno mo ang meal card mo ng signature
n’ya, feeling ko pwede kang sumigaw ng “Bingo!” or di kaya qualified ka na sa
next pa-raffle kung saan ihuhulog ang entry mo sa mahiwagang tambiolo para
manalo ka ng gift packs from Birch Tree or Baguio Oil (Kuya Germs, ikaw ba
‘yan?)
The moment na tumuntong ka sa mess hall
(pero minsan, tinatawag din namin s’yang
dietary), walang mahirap o mayaman. Lahat pantay-pantay. Kahit
mestiza ka with long curly lashes, parehong pagkain ang iserserve sa ‘yo ni
Manong, kung ano man ang sinerve n’ya sa isang mukhang holdaper na nag fall in
line din- which is usually my go-to look at the end of a haggardous day.
May mga Med Interns nga na nag-avail ng
Libreng Lunch Package. Hello… sa mahal naman ng tuition at living
expenses ng med school, malamang mag-aavail ka ng free lunch as much as you
can. Baka nga ang ibig sabihin ng MD na title ay Magiging Doktor after
Multiple Debts.
Bago kami mag-trek papuntang Dietary,
inaaalam muna namin kung ano ang ulam by calling the department. Wala ka
kasing choice pag dating mo dun dahil isang ulam lang ang sineserve nila.
Hindi s’ya parang canteen or turo-turo na pwede kang mag demand ng gusto mo
(with additional pa-tweetums line na, “ate
padagdag ng sabaw”, kasi hindi tatalab ‘yan sa nagsasandok, unless cute ka
talaga.)
Medyo choosy pa kami ng lagay na ‘yan
kasi na-spoil kami ng maraming options sa paligid. Inside PGH, mayroong Coop sa second floor na
bentang-benta ang to-go meals in a plastic bag, mura at masarap naman.
Kumbaga ang menu nila, pang fiesta, ‘yung mga “Do” meals na kadalasan kulay
pula, na kung minsan pare-pareho lang ang lasa, nagkatalo lang sa hiwa ng
karne; ‘yung menudo, asado, mechado,
adobo, estofado and the likes. For sure,
teternuhan ko ‘yun ng Dalandan Soda.
Addicted ako sa drink na ‘yun kasi para akong umiinom ng time machine
pag ‘yun ang panulak ko- it brings back childhood memories. Mahilig kasi ako sa dalang-hita nung bata
ako.
Meron ding option na food court sa
ground floor. Iba’t-ibang stalls pero sa
totoo lang, isa lang ang operator.
Pricey dito. Ang exchange rate
yata ng mga items sa food court ay either ginto or minsan, sarili mong buhay. Pag bagong sweldo, nag-splurge ako dito from
time to time. Meron kasi silang to-die-for
drink: Ice in a cup, flavored with tea (kasi, isang lunok lang ang Iced Tea
nila). Addicting and refreshing, kung
sapat ang amount.
At pag sweldo din, may option na
mag-Rob. Ilang steps lang pwede ka na
mag Chef de Angelo or Tokyo Tokyo. At
isang tawid lang din from Rob, nandyan na ang CAMP, na to-go meals version sa
UP manila- flavored with urban smog and sweat.
Ngayon, pag nagtitipid ka, ang best bet
mo- Dietary.
Ang problema kung minsan, hindi
consistent ang lasa ng mga meals. Kung gutom ka, masarap talaga ang kahit
anong pagkain. May naaalala nga akong quote ni Miguel de Cervantes, “La
mejor salsa del mundo es el hambre”, the greatest sauce in the world is
hunger. So bago ka kumain sa dietary, kailangan ay medyo kumakalam ang
sikmura mo- mga bandang one o’clock na, para less lines at para may na-produce
ka ng internal sauce sa katawan mo.
Hindi naman sa hindi masarap ang
luto. Pag may special occasion nga gaya ng PGH anniversay or Christmas,
bongga ang meals,. More than one ang ulam at may pa-dessert at drinks
pa. Kadalasan lang kasi, ang ulam ay pang PGH talaga.
Masang-masa.
May mga putahe sila na gusto ko at di
ko malilimutan. Ang most memorable sa akin ay ‘yung Pork
Tikwat. Well, hindi ko talaga na-establish ang totoong pangalan n’ya kasi
ganun ang pagkakarinig ko kay ate sa phone tuwing itatanong ko kung ano ang
ulam. Pag ‘yun ang sineserve, siguradong bababa ako at mag-avail ng free
lunch. Ang pork tikwat ay baboy na may brown sauce at ginisa sa suka with
sili. Sige nga daw, can anyone tell me what is that dish? Inattempt
kong alamin ang tunay na pangalan ng ulam na ito bago ko man lang lisanin ang
PG, pero hindi ako successful. Napirmahan na ang clearance ko at lahat,
the mystery of the pork dish was never solved.
So one time, ng tumawag ako para
tanungin kung ano ang ulam, at saktong Pork Tikwat, naisipan kong duon mag
lunch. May katrabaho akong sosyalera na gustong sumama sa akin. Si
Sosyalera ay maganda, pero down to earth at very funny. When she is
around PGH people, she can be very masa at kakainin kahit anong pagkain
ang i-serve sa kanya. Pero sa Instagram feed n’ya, bawal ang
cheap. Pottery Barn and LV allowed only. Sa amin,
wala s’yang choice kundi mag-adapt sa ka-cornyhan kasi lalaitin namin s’ya pag
hindi. At heart kasi, feeling ko masang-masa s’ya. Anyway,
dalang-dala naman n’ya ang kanyang kasosyalan at mahal na mahal namin ang
pagkamasang-sosyalera n’ya.
Tinanong n’ya ako kung ano ang
ulam. At dahil hindi ko alam ang tamang pronunciation ng pork tikwat- ang
sinabi ko na lang ay, “Binaboy na manok daw.”
Hindi ko alam kung bakit naging chicken dish ‘yung pumasok sa isip ko
pero you get the gist, right? I was just
being sarcastic. Tinanong ako ni
Sosyalera (Sosh for short), “Dun ka kakain?”
“Oo.
Sama ako.”
So kaming dalawa ni Sosh ay pumila sa
takilya ng pagkain. Medyo blockbuster
ang lunch time kasi ang haba ng pila.
Pagtapat namin sa nagse-serve ng ulam, biglang sinabi ni Sosh sa manong
na taga-sandok, “Wow kuya, ‘yan ba ‘yung binaboy na manok? Mukhang masarap a.”
Bigla akong napatingin sa kanya,
nanlaki ang mata, at parang kong gustong mag-shrink sa loob ng uniform ko.
Si manong nakatawa, Si Sosh
naka-smile. Hindi mo masisi si Sosh kasi
pretty s’ya at cute and very innocent looking sa kanyang query. At the bottom of my breath, sinabi ko ka sa
kanya, “Sosh, hindi ‘yan binaboy na manok....joke lang ‘yun.”
Bigla kong dinampot ang tray ko at
hinila si Sosh palayo sa service table para pumunta sa dining area habang ang
buong kaluluwa ko ay natutunaw sa hiya. Kung
maputi lang ako, malamang nag-blush na ako, kaso instead of blushing naging
purple yata ang complexion ko.
Pagdating namin sa table, kailangan ko
pang i-explain kay Sosh ang mga pangyayari,
at duon lang s’ya nagmula at naging mangiyak-ngiyak sa tawa at
kahihiyan.
Sometimes I question her
judgement. She is very good in so many
things but she has bad taste in friends (me among them) apparently. Lagi tuloy
kaming nag-aasaran ng mga bloopers namin sa isa’t isa.
After that, di na yata kumain sa
Dietary si Sosh. Na-trauma ng Pork
Tikwat. Napilitan lang s’yang kumain sa
mess hall nung time na ‘yun kasi kaming lahat ay nagtitipid kaya s’ya na-pressure. So nagtipid na din s’ya kahit di n’ya
kailangan. Buti na lang, absent si Jang
Geum. Imaginin n’yo na lang kung ano
ipinagawa sa amin ni Jange Geum kung narinig n’ya ang kabulastugan namin.
Sa totoo lang, kahit kinain kami ng
hiya ng sandaling ‘yun, nabusog naman ang aming mga t’yan. Lalo na ang aming memories. Nagkaroon kami ng anecdote na unuulit-ulit namin
sa isa’t-isa sa tuwing magkikita kami.
So now, I think, La mejor salsa del mundo es el Pork Tikwat, porque
los recuerdos son para siempre.
June 26, 2020


Comments
Post a Comment