The Nutribun Paradox
Madalas
sabihin sa akin ng mga tao na mukha daw akong mabait. Palagay ko, dinaan
ko lang sa operant conditioning ang conciousness ng lahat kaya nalinlang ko
sila. ‘Nung bata kasi ako, in-announce ko sa buong mundo na gusto kong
maging pari. So in return, the whole world believed in me. Madali talagang kumbinsihin ang mundo kasi
maniniwala talaga ito sa ‘yo. Iniisip ko tuloy kung ano sa pagiging pari ang
naka-attract sa akin at naging life-long goal ko ito. Basta mula pagkabata, I was branded to be
either the most behaved of the class or the one least likely to kill even a
fly. Pero sa totoo lang, salbahe ako sa tunay na buhay. Alam naman
ng lahat ng kaibigan ko na pintasero ako. Nakuha ko malamang ang trait na
‘yan dahil lumaki ako sa Hermosa, Bataan. Kakambal na yata namin ang
pagiging laitero. We tell it the way it is. Minsan nga ginagamitan
pa namin ng makukulay na descriptions ang aming panlalait kaya imbes na maging
mean ang pamimintas, it becomes entertaining. At least among
ourselves. Sa tingin ko, hindi mage-gets ng ibang tao ang aming baluktot
na pag-iisip kasi it will be considered rude and very unkind. My argument
is: kung may amoy ang kili-kili ko, mas
gusgutuhin ko ng diretsuhin ako na kailangan kong mag tawas kesa daanin pa ako
sa mga paligoy-ligoy na usapan. At least problem-solved agad. Pag
kasi kinonsider mo ang sandamakmak na feelings, baka hindi ko ma-gets ang
point. Imbes na isipin ko na kailangan kong mag-Rexona baka akalain ko
lang na inaa-admire nila ang aking almost hairless kili-kili.
Sa
malalapit kong mga kaibigan, alam nila ang tunay kong kulay.
Kapag
pangit ang isang bagay (or tao), hindi ko na sinu-sugar coat. Pangit
talaga e, ano magagawa ko dun?
Nung
kasagsagan pa ng ASAP at SOP, madalas akong magbabad sa TV, hindi para
ma-entertain kundi para manglait kung anuman ang palabas. Parang nung
time na ‘yun (well I think, hanggang ngayon), pag marunong ka magpa-cute,
talented ka na. At mas maingay ang production number, mas considered na
ground breaking. Naiinis sa akin mga kapatid ko kasi ang daldal ko daw pag
nanood ako ng TV, puro daw ako comment. Pero I think, I have entertanined
them with my remarks on Marky Cielo (RIP), Champagne Morales, Carlos Agassi,
and the likes. Para daw akong si Simon Cowell, kahit hindi pa sikat si
Simon Cowell nung time na ‘yun.
Natuto na
lang akong mag-mellow down nung nagsimula akong magtrabaho- for obvious
reasons. Kailangang maging propesyonal. At na-enhance ang
pagbabalat-kayo ko nung makarating ako ng America kasi I have to be politcally
correct all the time. Atsaka mas sensitive ang mga Amerikano kapag
pinag-usapan na ang edad at timbang. Sa atin kasi, normal na pagbati ang
“Uy tumaba ka.” Minsan nga, it is considered a compliment. Pero pag
tinraslate mo na kasi sa English yun, parang ang samang pakinggan.
Kasi
naman, never sa akin naging issue ang pagiging overweight kaya mas less
sensitive ako sa timbang. On the other hand, I was on the opposite side
of the spectrum: I have been struggling all my life to bring my weight
up. ‘Yun ang aking “underweight problems”.
Nung elementary
kami, lagi akong nakalista sa feeding program. Parang ako lagi ang top 1,
tapos pumapangalawa yung kaklase kong si Benjo (not his real name) kasi pareho
kaming “malnourished” quote, unquote (with finger air quotations for emphasis).
Mas lamang lang ang pagiging malnourished ko kay Benjo kasi matangkad ako kaya
apparently, hindi proprotional ang height at weight ko.
So ‘yung
feeding program namin ay isang malaking joke. We were forced-fed with the
infamous Nutribun. Wala namang special sa nutribun.
Napakagaling lang ng nag-isip ng nagpangalan dito kasi very scientific s’ya at
catchy. Pero I don’t think there was nothing nutricious about it*.
Kumbaga, ang nutribun ay carb loading- isa s’yang buong tinapay na halos isang
kilo ang timbang- minsan ay nagbabalat kayong ensaymada or pan de coco, or
minsan naman tinapay lang talaga na walang palaman. Favorite ko ‘yung
ensyamada variety kasi may cheese. Gayunpaman, kung araw-araw ka ba
namang papakainin ng tinapay, kahit gruyere
or asiago pa ang topping n’yan, sigurado
akong isusumpa sabay isusuka mo ang nutribun. We had to eat the stupid
bread, come what may. Minsan may mga unofficial watchdogs i.e.
chuchu(huahua) na magsusumbong kay Ma’am pag hindi mo inubos ang tinapay at
tinapon mo lang sa basurahan. I had to endure the nutribun for five or
six years of my elementary life. Hindi pa uso nun ang gluten-free pero
palagay ko, kung may concept na ang tao about that, gluten-phobic na ako.
Yung tipong kakatihin na ang buong katawan ko at magbabara na ang aking
windpipe sabihin mo lang ang word na “harina”.
Hindi
nagtagumpay ang feeding program ng gobyerno to bring up my weight. Or
anybody’s weight for that matter, at least sa class namin. ‘Yung nanay ko
nga hindi concerned sa timbang ko, e kung bakit nagingialam pa ‘yung mga
teachers ko at yung Department of Education (Culture and Sports, ‘yun ang tawag
sa kanya nung time na ‘yun) sa aking kalusugan. Payat pa din kami ni
Benjo nung gumraduate kami ng grade 6.
Parang
dati, ang sukatan ng pagiging healthy ay ang pagiging chubby. Hindi kaya
dahil lumaki ako sa third world country, kaya ang isip ng lahat, na kapag payat
kami walang nutrition ang buhay namin?
Nung
grade 4 ako, dumaan ang aming buong klase sa physical fitness test. Sa
tingin ko, hindi alam ng teacher namin kung pano i-conduct ang naturang exam
kasi maraming nag-pass out sa step up and step down test. ‘Yung classmate
kong asthmatic, nag-drama na hihimatayin din s’ya (kasi maraming hinimatay)
pero hindi ito natuloy kaya umiyak lang s’ya ng umiyak, which in turn triggered
her whole asthma. ‘Yung best friend naman n’ya, todo paypay lang sa
kanya, enabling her to do more drama, which worsened her asthma attack.
Si Ma’am, keber lang sa kanyang table, bubulong-bulong na “arte”. Sa palagay ko, nagpapanic na ang bestida n’ya
na baka sugurin s’ya any moment ng mga magulang ni Asthmatic kong
classmate.
Ang mali
sa physical fitness testing na kinonduct ni Ma’am ay ginawa n’ya itong basehan
ng grade. Kaya siguro nagkanda loko-loko ang top ten namin kasi may mali sa PE
part ng aming MAPE (Music, Arts and PE to you). Ginawa din n’yang
competetion ang test.
So
kumbaga, kung ilan ang magawa mong push-ups, or sit ups, or ilang steps ang
magawa mo sa step up and down test in 5 minutes, ‘yun ang grade mo. E naka
7 push ups lang ako. Tandang-tanda ko ‘yun kasi pinagtawanan talaga ako
ng mga kaklase ko. What a sight to behold, ‘yung payatot nag-push up,
pero hindi nag-succeed. So na-compare ako sa isa kong kaklase na naka 30,
which was the highest score. Samantalang 7 ang average push ups naming
lahat, pero ako pa din ang tumanggap ng panglalait. Well, that is Hermosa Elementary School to
you. As far as sit ups naman, hanggang 10 lang ang kinaya ko.
Mababa pa din sa kanilang standards. Samantala, madami akong step ups na
nagawa at madami akong nakolekta na straw sa running challenge. But wag
ka, hindi ito napansin.
Ang
standard score ay kung sino ang mataas at hindi ang average. Sa totoo lang,
ang horrible ng form naming lahat nung nagsi-sit ups kami, which would have
caused back problems if we would have done it on a regular basis. But
then again, what did we know during that time?
Samantalang
ngayon, ang problema dito sa America ay ang obesity rate ng mga grade school
children. Kabaligtaran ng nangyari sa amin nung mga bata pa kami, 40
years ago, on the other side of the planet. Ang pag-iisip ng mga tao nun,
pag kulang ang iyong timbang, hindi ka healthy. Siguro dapat
napagtagpi-tagpi na nila na hindi porket underweight, hindi na healthy.
Hindi kaya ako hinimatay sa fitness test.
Eventually,
‘yang pesteng yawang Nutribun na ‘yan ay nagdeteriorate ang quality habang
kalaunan. Ang palaman na macapuno ng pan de coco ay nadagdagan ng mga
bukbok: ‘yung mga insekto na makikita mo madalas sa mga bigas or harina kung
luma na ito. Ito siguro ang secret recipe kaya na-maintain namin ni Benjo
ang aming weight nung kabataan namin.
Ang hirap
kayang maging payat pag bata ka. Lalo na sa bayan namin. Kasi ‘yung
kapintasan mo ang magiging brand mo para makilala ka ng mga tao. Naalala
ko na tinawag akong “Ting-ting” noon. Nung una, nagagalit ako, pero I
have learned to embrace the title because it was true. Eventually, it did
not bother me. Dun kasi ako nakilala.
At ang
pagiging payat ko ang naging puhunan ko kung bakit nanalo ako sa mga student
council ek-ek nung tumuntong ako ng high school dahil may recall ang aking
personality. “Iboboto ko ‘yung payat, si Hulk Hogan.” Clever ‘yung
campaign manager namin kasi magaling ang strategy n’ya sa pagmamarket sa bawat
isa sa ‘min na kumakandidato. I did not rely on the love teams- kasi ‘yun
ang trend nung high school: pakiligin ang mga voters para iboto ka nila.
I relied, literally, on my body.
Proud
naman ako sa pagkapanalo ko kasi may promise kami nung campaign na tinupad
namin nung nasa council na kami-‘yung magkaroon ng school publication.
Kami ang kauna-unahang editorial board. Mula ng tumuntong ako sa eskewelahang
‘yun, hindi natupad ang pangako na magkaroon ng school paper kundi pa kami
naging student council. However, I do not think it was because of the
student council why it materialized (sa totoo lang). May isang teacher
kami na nagpasimuno ng lahat kasi na-discover n’ya na may talent ang ilan sa
amin sa pambobola i.e pagsusulat. Kaya nabuo ang “Rizalite”, named after
our National Hero, San Mig Lite. Ay Jose Rizal pala.
So ayun
na nga ang kwento kung bakit never ko na-achieve ang aking ideal weught until I
was in my forties kasi bukod sa mapanlait ako, maling concept ng health and
na-instill sa akin all this time. Akala ko, to be fit is to be fat.
Mali pala. Sabi nga din ng teacher ko na nag-conduct ng fitness test, “Ang
pinakamahirap na kalaban ay ang sarili”.
Dapat yata na in-apply n’ya din ‘yun sa fitness test na ginawa n’ya sa
amin- we should have been compared among ourselves not with other people. She should have known, the quote came from
her. Edi hindi sana ako na-trauma sa
pagpu-push up at hindi din intake ng asthma ‘yung kaklase ko.
One time
nga, na-eavesdrop ko sa isang estudyante kung bakit nila ako iboboto sa
elections nung high school, “Iboboto ko ‘yung payat, si Hulk Hogan, kasi
mukhang mabait.”
Pakshet
naman, payat lang ako pero hindi nga ako mabait e!
September 29, 2020
*by the
way, napag-alaman ko sa aking research na ang Feeding Program pala nung elementary
ako ay sponsored ng USAID. At naging
successful pala ito into lowering the malnourished children in the Philippines
from 5% to 1%. Pero siguro, kabilang ako
dun sa 1%. Hindi sila nagtagumpay sa
akin.



we had the same thing in our school. pero hanggang 2nd grade lang yata. tapos ang tawag namin "kare", hindi nutribun. and naalala ko marami sha lagi insekto. haha! bukbok yata tawag dun. pinapamigay ko lang sha lagi sa iba.
ReplyDelete